Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.
Nilabanan ng aking ama ang diktadurya at ibinuwis niya ang kanyang buhay para tubusin ang ating demokrasya. Inalay ng aking ina ang kanyang buhay upang pangalagaan ang demokrasyang ito. Ilalaan ko ang aking buhay para siguraduhin na ang ating demokrasya ay kapaki-pakinabang sa bawat isa. Namuhunan na po kami ng dugo at handa kong gawin ito kung muling kinakailangan.
Tanyag man ang aking mga magulang at ang kanilang mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan. Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating tagapagtanggol.