October 10, 2011

Tao, Dahil Sa Ginawa Mo, Paano Kami (2011)

Magmula sa hiwaga ng Alpha at Omega
Ang mundo'y nabuo, ang tao'y nagkasala...
Dalawangpung taon ang nakalipas, kung tama ang aking memorya
Isang essay ang aking sinulat, tungkol sa mga trahedya't sakuna

Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?
Tanong ng aking kamusmusan, na mula't sa katotohanan
Mga paglalapastangan sa kalikasan, kailan nga ba titigilan?
May matitira pa nga ba para sa aming kabataan?














Noong taong 1991, aking natatandaan
Pagputok ng Bulkan Pinatubo ang siyang aking pinangambahan
Dumaloy ang lahar, nabura ang mga bayan
Nang mga oras na yon, parang wala ng kinabukasan...












Ngayon taong 2011, sa kasalukuyan...
Lubog pa rin sa tubig ang aking bayang sinilangan
Mula sa hagupit ng bagyong Pedring at Queil ang pangalan
Sampung araw na ang lumipas mula ng sila ay dumaan.

Palala ng palala ang sitwasyon sa mundong ating ginagalawan
Ang ating bansa'y manhid na sa mga ganitong karanasan
Kabi-kabila ang turo, kung sinong may sala
At kung sinong mananagot sa mga ganitong trahedya.

Ang bagyo o ang hangin, malamang ang tubig na dumaloy sa mga bukirin

Kanino nga bang kasalanan kung bakit tayo ay nasadlak sa ganitong pasanin
Umagos ang tubig, sa mga kalbong bundok nanggaling
Nalunod ang panamin, na dapat sana'y sa hapag ihahain.

Tama na ang sisihan, kung sinong may kasalanan...
Itigil na ang pagtuturo kung sinong may pagkukulang
Sa mundong ito, na tayong lahat ang nakikinabang
Wala tayong karapatang manisi ng kung sino pa man.

Ngayon hindi na ako bata, dalawampung tao sa aking gunita
Bumalik sa aking ala-ala ang tanong sa aking pagkabata...
Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?

Mula ng nabuo ang tanong na ito sa aking kaisipan
Salamat sa Diyos at kahit papaano ako ay natiran
Nakalanghap ng konting sariwang hangin sa kabukiran
Nakaakyat ako sa mga bundok at nakalangoy pa sa malalim na karagatan.

Ngayon ang panaghoy, hindi na para sa aking kapakanan...
Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?
Ito ang sigaw ng mga biktima ng karahasan;
Silang mga inagawan ng karapatan sa kalikasan,
Mga batang walang muwang sa nagaganap sa kapaligiran.

Hindi na para sa atin; para na lang sa mga magiging anak at apo natin
Magtira naman tayo, kahit konting hangin
Nawa'y makatikim pa sila ng mga sariwang pagkain
Masilayan ang mga bukirin at ang ganda nitong angkin.

Magmula sa hiwaga ng Alpha at Omega,
Ang mundo'y nabuo, ang tao'y nagkasala...

January 19, 2011

Kulang Pa Ba?


Kabi-kabilang balitang sadyang nakaka-tuliro
Maka-panindig balahibo, mga istorya sa mundo
Pagpasok ng taon, sakuna doon at dito
Walang tigil ang pag ulan, maging sa disyerto.

Sa Benguet, ang mga pananim ay nag-ye-yelo
Hindi lang mga tao ang may sakit at trangkaso
Maging ang mga gulay, nilalamig ng husto
Ang kabuhayan doon, ngayon ay namimiligro!

Sa Leyte, minsan pang umagos ang lupa
Trahedya'y naulit at parang di pa tayo nadala...
Mga bahay at buhay, natabunang bigla
Delubyo nga ba ang naglubog sa kanilang pag-asa?

Sa ibang bansa naman, sa Brazil at Australia
Tubig ang lumamon sa mga bayang nasalanta
Parang Panaghoy kay Ondoy ang rumagasang baha
Inanod ang pangarap ng mga taong kawawa...

Maliban sa mga trahedyang sadyang nakakabahala, 
Kabi-kabilang patayan ang ngayon ay nasa balita...
Ninakawan na ng sasakyan ay sinunog pa ang mga bangkay,
Anong klaseng tao nga ba ang maatim na pumatay.

Kahirapan nga ba ang nag uudyok sa tao? 
Upang kumilos ng ganito at mag asal demonyo...
Saan nga bang direksyon, umiikot ang mundo, 
Tila lahat ay naliligaw, saan nga ba patungo?

Sa mga kaganapang sadyang nakaka tulala
Hindi pa ba nagising ang mga tulog nating diwa?
Ano pa bang hinihintay upang tayo ay gumawa...
Ang pagbabagong kailangan, tayo ang magsimula. 

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...