Kabi-kabilang balitang sadyang nakaka-tuliro
Maka-panindig balahibo, mga istorya sa mundo
Pagpasok ng taon, sakuna doon at dito
Walang tigil ang pag ulan, maging sa disyerto.
Sa Benguet, ang mga pananim ay nag-ye-yelo
Hindi lang mga tao ang may sakit at trangkaso
Maging ang mga gulay, nilalamig ng husto
Ang kabuhayan doon, ngayon ay namimiligro!
Sa Leyte, minsan pang umagos ang lupa
Trahedya'y naulit at parang di pa tayo nadala...
Mga bahay at buhay, natabunang bigla
Delubyo nga ba ang naglubog sa kanilang pag-asa?
Sa ibang bansa naman, sa Brazil at Australia
Tubig ang lumamon sa mga bayang nasalanta
Parang Panaghoy kay Ondoy ang rumagasang baha
Inanod ang pangarap ng mga taong kawawa...
Maliban sa mga trahedyang sadyang nakakabahala,
Kabi-kabilang patayan ang ngayon ay nasa balita...
Ninakawan na ng sasakyan ay sinunog pa ang mga bangkay,
Anong klaseng tao nga ba ang maatim na pumatay.
Kahirapan nga ba ang nag uudyok sa tao?
Upang kumilos ng ganito at mag asal demonyo...
Saan nga bang direksyon, umiikot ang mundo,
Tila lahat ay naliligaw, saan nga ba patungo?
Sa mga kaganapang sadyang nakaka tulala
Hindi pa ba nagising ang mga tulog nating diwa?
Ano pa bang hinihintay upang tayo ay gumawa...
Ang pagbabagong kailangan, tayo ang magsimula.