May 13, 2013

ELEKSYON 2013

(ABS-CBN | google pic only)
Sa mga oras na ito, tiyak na kabado 
Mga politiko, nag-aabang ng panalo
Pagka't bilangan na ng mga boto
Eleksyon 2013, tapos na nga bang totoo? 

Bilang OFW ay nakiki-balita na lang
Kung anong naganap sa nakalipas na halalan
Sa internet nakatutok sa nagaganap na bilangan
Tanging nasasambit, sana'y walang dayaan...

Subalit imposible ata sa panahong hinaharap
Walang mandaraya, tila isang pangarap
Sa Facebook at Twitter, taong bayan ay nag-uulat
Nasaksihan sa presinto, naka-sulat sa stat

May nabasa ako, kuro-kuro ng isang kaibigan
Di raw siya bumoboto, dahil wala ring katuturan
Wala daw pagbabago, ang ating bayang talunan
Anong silbi ng pagboto, kung talamak ang dayaan? 

Tatlong taong ang nakalipas, Paghatol ay ating nasaksihan
Kinasa ang automated eleksyon, nasubukan ng taong bayan
Higit na maagang resulta, nagbigay ng kagalakan
Pero ilang buwan pagtapos ng halalan, napatunayan pa rin ang dayaan. 

May daan pa bang matuwid para gobyernong makapal 
Paano nga ba uunlad, kung pamumunuan ng garapal
Angkan ng Pulpulitikong sakim sa yaman at kapangyarihan
At mga taong nasisilaw sa pera, kapalit ng kanilang dangal.

Tayo ang simula ng pagbabagong hinahangad
Paulit ulit na sinasabi sa TV Patrol nakababad
Pero ganun pa rin, bakit tumatanggap ng bayad? 
Mga kakabayan magkano ba ang ating pangarap? 

Naisip sana natin na ang bawat perang tinanggap
Kapalit nito ay kinabukasan ng ating mga anak
Ano pang matitira sa kabang yaman malilimas
Dahil tiyak na babawin ang perang sa iyo'y pinambayad. 

Gayun pa man ako'y di natitinag
Sa Tulaya ay patuloy na aking nilalabas
Saloobin, panalangin sa bayan kong Pilipinas 
Dasal ko sa Panginoong Diyos, para sa magandang bukas

Hindi man ngayon, alam kong darating
Uunlad at gi-ginhawa rin ang Bayang magiliw
Pag-asa sa aking puso, hindi nagmamaliw
Alam kong naririnig ng Diyos ang ating panalangin.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...