June 02, 2014

Tiktak












Tila isang iglap, wariý paghawi ng ulap
Ang bilis ng panahon, sadyang nakakagulat. 
Animo isang linggo pa lang nang ang bagong taon ay dumaan
Sinalubong ng buong sigla, kaakibat ay bagong pag-asa

Lumipas ang ilang araw
Patuloy lang sa pagkampay 
Tinatahak ang bawat umaga 
Magkahalo ang ligaya't pangamba

Kalahati na ng taon, lumipas ganun-ganun 
Ano nga bang kinahinatnan ng nagdaang limang buwan
Sa bawat oras na tila hinahabol bawat pag-tiktak
Ang pagsikat at paglubog ng araw na mabilis pa sa kidlat. 

Kung atin tatantusan, ang bawat araw na nagdaan
Anong kabutihan ang sa ating kapwaý pinaramdam
O baka panay poot, galit o mabigat na kalooban
Alin kaya ang mas matimbang, alin ang nakalalamang?

Sa bawat daang tinatahak, taong kinakaharap
May impluwensiya tayong naiiwan, tatak ng nakaraan
Ano sa palagay mo ang kanilang matatandaan
Sa pagbanggit ng iyong pangalan, ano ang naramdaman?

Marahil sa sobrang dami ng nais nating makamit
Sa sobrang layo ng nais nating marating
Minsaý nalilimutan na natin ang tumingin at manalamin
Ang kasalukuyang panahon, kailangang harapin.

Huwag makisabay sa pagikot ng relo
Ang buhay sa mundo ay di isang karera ng motorsiklo
Sa paglipat ng pahina ng ating kalendaryo
Anong ala-ala mo sa bawat araw na tumakbo? 

January 06, 2014

Bagong Taon ng Pagbangon

Natuyo na ang tubig, naubos na ang baha
Unti unting sumisibol ang liwanag sa mukha.


 Binibuo ang pag-asa kung mayroon mang natira
Pinagtitibay ang pamilya, haliging ginuho ni Yolanda. 


Pag-asa ang hatid sa bawat isa ng bagong taon
Higit sa tulad nilang nawalan ng kinabukasan noong isang taon


Hindi matitinag, tatag ng Pinoy
Sa kabila ng delubyo, sigaw nilaý pag-ahon. 

Tapos na ang unos, ang bangungot ng kahapon
Hinaharap ang bagong taon, kaakibat ng pagbangon.

Isang kahilingan, ang aking iiwan
Sa pagtatapos ng tulang iyong nadaan
Nawaý sa bawat oras na silaý iyong maalala
Sumambit sa Maykapal, dasal para sa kanila. 

---
Photos by: Dhes Handumon
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...