Minsan naitanong ko sa aking isipan
Sa lawak ng kanyang pang unawa, sa marurub niyang pag-aaruga, sa dalisay nyang pagkalinga, at sa wagas na pag-ibig sa kanyang mga anak...
Sa tuwing ako'y makakakita ng mommy na kahit mabigat ay kinakayang buhatin ang kanyang supling...
Sa tuwing makakaramdam ako ng pagod sa trabaho at naiisip ko ang mga inang mag aasikaso pa ng kanyang mga anak pagdating...
Sa tuwing tatamarin akong gawin ang mga gawaing bahay...
Naitatanong ko sa aking sarili, gaano nga ba kahirap ang buhay ni nanay?
Sa bawat pagkain na isusubo na lang ay ibibigay pa...
Sa mga pangarap na naisantabi, para sa kapakanan ng anak niya...
Sa mga pagod na di inalintana, sa mga sakripisyong pinasan, sa mga hirap na pinagdaanan...
Mayroon nga bang hindi kakayanin si nanay?
Siyang hindi nagpapakita ng kahinaan sa kahit anong hirap ang dumaan...
Siyang walang sinusukuang problema... basta laban lang ng laban...
Siyang pinaka masaya sa bawat nakamit nating tagumpay
At nagbibigay ng pag-asa sa gitna ng kabiguan.
Gaano nga ba kalaki ang puso ni Nanay?
Hindi ko maisip kung may salitang nararapat..
Sa pagmamahal ng ina, tunay na hindi masusukat...
Habang buhay na responsibilidad ang nasa kanyang palad.