March 25, 2015

NAPAANO SA MAMASAPANO


Samu't saring istorya, kanya kanyang bida
Mga palusot sa sino nga ba ang tunay na may sala
Apatnapu't apat na buhay, sa bayan ay inalay
Ngayo'y walang responsable, kanya kanyang pagkubli sa tunay na nangyari. 

Ano nga bang kahahantungan ng masalimuo't na usapan
May katarungan pa bang aasahan ang magigiting na tagapag-tanggol ng bayan,
O tuluyan ng matatabunan tulad ng mga buhay na napaslang...

Iisa ang hangad, pangarap na kapayapaan
Ang bansang kaliwa't kanan ang gulong kinasasangkutan 
May pag asa pa bang kinakaharap ang bayang Pilipinas
Kung bawat isa'y sarili lamang ang nais na iligtas. 

Nakapanlulumo ang sinapit nilang apatnaput apat
Hindi lang sa nakuyog at pinatay na walang habas
Ang higit na masakit ay ang katotohanang masaklap
Kapwa Pilipino rin naman ang sa kanila'y nagpahirap.

Ito katotohanang hayag pero tila di mabanaag
Ang ating Inang bayang naligaw na ng landas
Paano pa tayo aahon kung tayo tayo mismo ang nagbabaon 
Ang pangarap na kalayaan atin pa bang makakamtan.

Ang mga nasa gobyerno, sukdulan sa kasakiman 
Mga hayok sa kapangyarihan, sandamakmak na kawatan
Paano nga bang makakamit ang katarungan 
Kung ang mismong may sala ang may hawak ng timbangan? 

Isang panawagan sa ating mga kababayan 
Nawa'y matuto na tayong manindigan... 
Dahil mabuti sana kung uuwi lang tayong luhaan... 
Pero tulad ng SAF 44, ang laban ay nauwi sa kawalan. 


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...