April 30, 2013

PULPOLitikong Pilipino


Tatlong taon na pala, nang aking simulan
Larawan at Panulat - ang pahinang TULAYA 
Ito ay resulta ng pagka-inis at pagkadismaya 
Sa sitwasyon ng Pilipinas, lalo sa politika.

Makabagong lapis at kwaderno, ito ang tawag ko
Sa pahinang ito na ilan lang ang nakatanto
Gayun pa ma'y patuloy ako sa pagsigaw ng saklolo
Ang hangad na pagbabago, para sa sambayanang Pilipino. 

Taong 2010, nakailang rin akong pahaging
Pagsubaybay sa Halalan, ako ay nahumaling 
Panawagan sa kababayan na maging mapagmasid 
Oras na para matutong lumakad sa matuwid.

Ngayon, tatlong taon na mula ng Ang Paghatol ay ikasa
Maraming pagbabago, mga batas ng pinasa
Nasa Yahoo na umaasenso na rin ang ating Ekonomiya
Salamat naman sa Diyos, kahit papano'y nakasalba.

Ngayon eleksyon na naman, mga PULPOLitiko ay nangangampanya
Maraming nagkalat, TRAPO at BIMPO sa kalsada.
Abot abot sa dami ng poster, paulit ulit ang mga kanta
Nakatambad sa kalye, mga pangalang walang pinag iba! 

Mayor ang ama, bise ang anak o asawa, 
O dili kaya ay gobernador at kongreso ang puntirya
Ang buong pamilya, hangarin daw magsilbi sa masa
Nakakatutuwang panoorin kung sila'y mangampanya
Animo'y nasa Showtime - Bida Kapamilya! 

Anong naghihintay, sa bayang ngayon pa lamang ulit nag uumpisa 
Paano aarangkada kung gutom na naman ang mga buwaya
Perang itinatapon sa tuwing kampanya
Siguradong limas na naman ang kaban, pag upong upo nila.

Nung ako'y umuwi, sa Bayan ng Sta. Maria 
Isa isang sinisira, mga buo namang kalsada
Di ko alam kung pang dagdag ba sa pondo para sa kampanya
O para makuha ang natitirang barya, bago lisanin ang opisina. 

Paulit ulit na lang kung gahasain ang ating Inang bayan
Mga akala mo santo kung magsalita at mangusap sa tao
Pero pag naupo na sa pwesto, akala mo kung sino
Mga buwayang nakabarong, mga PULPOLITIKO. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...