October 07, 2013

DIRETSO LANG


Wag kang malikot
Wag nang umikot
Tingin sa harap para walang masagap.

Nagkalat ngayon mga akala mo perpekto
Mahilig maghugas ng kamay sa lababo
Mga malilinis, animoý mga santo
Pero gulatin mo at mura ang salitang ibabato.

Sa opisina mga astig ang porma
Akala mo alam lahat pati utak ng iba
Mapanuring mata, mapanghusgang tingin sa kasama
Animoý kay galing, kung mag-utos at manita

Anong klaseng boss nga ba, ang nakatambay sa opisina
Nakababad ang sigarilyo, nakataas pa ang paa
Paanong susundin ng mga tao kung ganito ang asal mo
Di bat kabastusan kung ibato mo ang papel na inabot sayo
O ang tawagin ang isang empleyado, para iabot ang tasa ng kape mo
Habang ang ibaý kanda kuba na sa pagta-trabaho.

Anong ehemplo ang makikita sa ganitong umasta
Paano na ang iba, gaganahan pa ba
Trabahong sang tambak, naka patong sa lamesa
Habang ang ibaý sa terrace nakatambay o sa cafeteria.

Sa loob ng simbahan di rin naman naiiba
Maraming magaling, mahilig bumida
Kanya kanyang rampa, di ko alam kung simba o fashion show ang punta
Nakakasilaw din kung minsan ang pinta sa mukha pag umaga.

Sa paglilingkod, puso ang nakikita
Hindi kung ilang beses kang sumigaw at umeksena
Kung sasabihin mong nagpuyat ka o wala pang tulog hanggang umaga
Walang dahilan upang ugali moý maging mapakla.

Paano nga ba kung nakaka-patid ka na
Kung ayaw ng masimba ng iba dahil ayaw niyang makita
Ang asal mong daig pa ang artista sa plaza
Nagpapanggap na santa, mabait sa iba
Pero sa labas ng simbahan, nagiging impaktita

Wala akong karapatan, husgahan ang sino man
Ang naisulat ko dito ay mga nahagip lamang
Matang malikot, tingin ay paikot-ikot
Ano nga bang totoo sa bawat nilang kilos.
Walang makakababatid, kundi ating Diyos.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...