November 26, 2013

Nakakahiya. Nakakaawa.

Nakakahiya. 


Kahapon ay pinatawag kaming mga Pilipino sa kumpanya
Para sa isang proyektong gagawin, tulong sa biktima ni Yolanda.
Nagtanong ang mga pinuno, ilang detalyeng mahalaga. 
Ito ay kung saan at kanino nga ba, iaabot ang pera.

Bilang Pilipino, nakakahiya mang sabihin
Pero bawat isa sa amin, iisa ang saloobin.
Hindi dapat sa gobyerno, dahil baka di makarating
Sa dami ng balita tungkol sa pamahalaang sakim.

Masakit sabihin sa harap ng ibang lahi
Na sa aming pamahalaan ay maraming kawatan
Mga magnanakaw at mapagsamantala
Sa bayan ni Juan, talamak ang buwaya. 

Nais nilang tumulong, magkiramay sa nasalanta
Pero paano nga ba, kung di rin naman mapupunta
Sa mga naging biktima, dilat pa rin ang mata
Sa lumipas ng tatlong linggo, paano na nga ba sila?

Nakakaawa. 


Silang mga walang magawa kundi ang maghintay sa wala
Sa kabila ng milyon milyong tulong na sa kanilaý pinadala
Nagtitiyaga sa tabing ng kariton o mga tahanang walang bubong
Kalam ng sikmuraý tila nakasanayan na at di alintana ang gutom. 

Halos tatlong linggo na mula noong bumisita si Yolanda
At iniwan silang walang wala, nakahandusay sa kalsada
Dumagsa ang tulong, pera, pagkain at iba't ibang donasyon
Pero kailan ba sila, magsisimulang makaaahon? 

Araw araw pumipila sa kakarampot na delata, 
Isang tabong bigas at noodles na durog na
Nasaan ang donasyon, napunta na sa bahay ng iba. 

ANG TAMA, HINDI KINAKAHIYA. 
ANG MALI, HINDI GINAGAWA.
Sabi ni Lea Bustamante, sa Bata, Bata Paano Ka Ginawa? 


Ito ang aking naramdaman kagabi sa gitna ng usapan.
Kinahihiya ko ang ating pamahalaan, dahil sa maling kaugalian.
Gayun pa man, ang bayanihan amin pa ring pinagparangalan
Sa kabila ng katiwalian, ang taong bayan pa rin ay nagtutulungan.

Sa milyon milyong donasyon ng kapwa Pilipino,
Sa iba't ibang paraang ginawa upang makalikom ng husto
Pera, damit, pagkain, halos pinang limos nga rin dito
Basta't makatulong kahit papaano.

Gayung sadlak sa hirap at sa gobyernong palpak.
Taas noo pa rin nating hinarap ang mga pagsubok sa ating balikat.
Babangon tayo, magtutulungan saan man sa mundo.
Yan ang Pilipino, di matitinag ng delubyo.

November 12, 2013

Paano nga ba sila magsisimula ngayong silaý walang wala?

AFP Photo
Binayo ng bagyo.
Pinaluhod ng delubyo.
Binura ni Yolanda.

Ilang katagang paulit ulit na nating naririnig sa mga ulat.
Marahil, dahil sa wala na ngang iba pang salitang mahagilap 
Upang ipaliwanag ang sinapit na ating mga kababayang lubhang nasadlak
Sa nagdaang sakuna, na kinuha ang lahat...

Ano nga ba ang ating magagawa?
Tayo na ilang libong milya ang pagitan mula sa ating Inang Bayan
Mga OFW na tanging mga larawan at video lamang ang nasasaksihan...

Umuulan ng Panalangin sa "FB, IG at Twitter" para sa ating mga kababayan
Abot abot ang panawagan kung paano maipapahatid ang mga donasyon na nakalap
Panawagan sa nawawalang kamag-anak at panaghoy ng mga namatayan...

Tulad nyo, dumurugo rin ang puso ko
Sa gitna ng trabaho, ang isip ay nasa mga kababayang naghihingalo
Paano nga ba sila magsisimula...Ngayong silaý walang wala? 

Isang bayang matatatag ang pananampalataya
Yan ang Pilipinas, kahit ilang beses madapa
Hindi kumakawala sa pananalig sa ating Panginoong Lumikha.

Ngayon sa gitna ng unos, para tayong batang musmos
Magsimula sa pag gapang, unti unti hanggang sa makaya natin ulit ang paghakbang
Isang araw, isang tapak, hanggang sa muli tayong maging matatas.

Ang Diyos ay buhay, Siya at tapat. 
Walang bibitaw, dadating din ang bukas
Kung kailan nag mga naburang pangarap ay unti unti ring matutupad. 

"Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina." Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong nadama ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas. 
2 Corinto 12:9-10

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...