November 26, 2013

Nakakahiya. Nakakaawa.

Nakakahiya. 


Kahapon ay pinatawag kaming mga Pilipino sa kumpanya
Para sa isang proyektong gagawin, tulong sa biktima ni Yolanda.
Nagtanong ang mga pinuno, ilang detalyeng mahalaga. 
Ito ay kung saan at kanino nga ba, iaabot ang pera.

Bilang Pilipino, nakakahiya mang sabihin
Pero bawat isa sa amin, iisa ang saloobin.
Hindi dapat sa gobyerno, dahil baka di makarating
Sa dami ng balita tungkol sa pamahalaang sakim.

Masakit sabihin sa harap ng ibang lahi
Na sa aming pamahalaan ay maraming kawatan
Mga magnanakaw at mapagsamantala
Sa bayan ni Juan, talamak ang buwaya. 

Nais nilang tumulong, magkiramay sa nasalanta
Pero paano nga ba, kung di rin naman mapupunta
Sa mga naging biktima, dilat pa rin ang mata
Sa lumipas ng tatlong linggo, paano na nga ba sila?

Nakakaawa. 


Silang mga walang magawa kundi ang maghintay sa wala
Sa kabila ng milyon milyong tulong na sa kanilaý pinadala
Nagtitiyaga sa tabing ng kariton o mga tahanang walang bubong
Kalam ng sikmuraý tila nakasanayan na at di alintana ang gutom. 

Halos tatlong linggo na mula noong bumisita si Yolanda
At iniwan silang walang wala, nakahandusay sa kalsada
Dumagsa ang tulong, pera, pagkain at iba't ibang donasyon
Pero kailan ba sila, magsisimulang makaaahon? 

Araw araw pumipila sa kakarampot na delata, 
Isang tabong bigas at noodles na durog na
Nasaan ang donasyon, napunta na sa bahay ng iba. 

ANG TAMA, HINDI KINAKAHIYA. 
ANG MALI, HINDI GINAGAWA.
Sabi ni Lea Bustamante, sa Bata, Bata Paano Ka Ginawa? 


Ito ang aking naramdaman kagabi sa gitna ng usapan.
Kinahihiya ko ang ating pamahalaan, dahil sa maling kaugalian.
Gayun pa man, ang bayanihan amin pa ring pinagparangalan
Sa kabila ng katiwalian, ang taong bayan pa rin ay nagtutulungan.

Sa milyon milyong donasyon ng kapwa Pilipino,
Sa iba't ibang paraang ginawa upang makalikom ng husto
Pera, damit, pagkain, halos pinang limos nga rin dito
Basta't makatulong kahit papaano.

Gayung sadlak sa hirap at sa gobyernong palpak.
Taas noo pa rin nating hinarap ang mga pagsubok sa ating balikat.
Babangon tayo, magtutulungan saan man sa mundo.
Yan ang Pilipino, di matitinag ng delubyo.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...