Katatapos ko lamang manood ng balita...
at tulad din ng kahapon, wala pa rin akong nakitang kaaya-aya.
Patayan, aksidente sa daan, protesta at siraan;
Ano nga bang bago, sa bayan nating napag iwanan?
Dalawang Ampatuan, ngayon pinawalan
Hindi daw kasali sa naganap na patayan!
Maski yata batang paslit na naroon sa palaruan,
Hindi matatanggap ang naging hatol ng bagong kalihim na pinili ng Malacanang.
Tuluyan na nga bang napiringan ang hustisya?
Kilala pa ba ang katarungan sa ating bansang sinisinta?
Hanggang kelan ba tayo payag na magpadala;
Sa pangulong daig pa ang buwaya sa pagkagahaman sa kapangyarihan at pera.
Sa daming buhay na nawalang parang bula...
Sa bawat pangarap na tinabunan ng walang awa;
Nakakatulog pa kaya ang mga taong may gawa
Karumal - dumal na krimen, ngayo'y nababalewala.
Utang na loob, isang ugaling Pilipino;
Ngayon ay gamit na gamit sa ating gobyerno.
Kaya nga ba lahat ng suporta, binibigay sa pangulo,
Tiyak kasing may balik naman ito, paniguradong walang talo!
Sana nga lang, magising na ang mga tao;
Bago pa tuluyang burahin ang katarungan at mabayaran ang prinsipyo;
Nawa'y maging mapagmatyag pa ang mga Pilipino,
At huwag na padala sa huwad na gobyerno.
No comments:
Post a Comment