May 10, 2010

Oras Na

Nakapag-bilog ka na ba, sa iyong balota?
Nalagyan na ng ink, daliri mo ba'y may marka?
Ang karapatang bumoto, nagamit mo ba?
Hinahangad na pagbabago, ngayon bayan ang magpapasya...

Maswerte nga kayo, mga kababayang Pilipino,
Bagamat sobrang init, pero malaya kayong pumunta sa presinto...
Isang boto, tulay sa pag asenso...
Magkaisa na tayo patungo sa progreso...

Kaming nasa ibang bayan, bagamat may OAV,
Hindi rin lahat, may oras na makasali,
Karapatang Pilipino, ngayon naisantabi
Paalala na lang ang tanging masasabi.

Naging saksi ako, sa ilang eleksyong nagdaan
Dilat ang mata ko sa lahat ng katiwalian,
Sako-sakong pera, nagkalat sa lansangan,
Pagkatao't dignidad, nabibili ng dalawang daan.

Hindi iilan ang taong nababayaran,
Talamak na bentahan, nagaganap ng harapan
Sa konting halaga, milyon ang nakukuha
Kapalit ng boto mo, kinabukasa'y nabasura.

Nawa'y gising na nga tayong mga Pilipino,
Hangaring maibalik na ang dangal bilang tao...
Huwag ng muling mabulag sa kislap ng konting piso,
Kinabukasan ng bansa, wag ng isakripisyo.

Munting dalangin, alay sa bayan ko,
Nawa'y gabayan Niya ang bawat Plipino,
Malinis na halalan, nawa'y maisakatuparan,
At lumabas ang tunay na boses ng bayan...

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...