Showing posts with label Buhay. Show all posts
Showing posts with label Buhay. Show all posts

April 13, 2015

Bugok














Silang mga di na nagsawa sa gulo ng mundo
Mga taong paulit ulit ang pagkuha ng batong pinukpok sa ulo
Animo'y di na nadala sa lahat ng bukol na napala
Wari'y sadistang hinahanap hanap ang sakit at mga pasa. 

Ano nga ba't tila nakaka adik ang buhay na pakawala
Yung walang patutunguhan, walang mapapala
Pero panay ang andar kahit walang paroroonan
Paikot ikot lang sa daan ng kawalan. 

Bugok kung tawagin
Tumandang walang pinagkatadaan 
Buhay alamang 
Nagpa-anod sa kawalan... 

Bato bato sa langit, ang tamaan magbago na...
Kung sawa ka na sa buhay na kung tagurian ay walang kwenta
Marahil dapat lang na mag isip isip
Upang buhay ay maituwid

Habang may buhay may pag-asa
Pero wag lamang umasa
Samahan ng sikap at tiyaga
Upang buhay ay umalwa... 

June 02, 2014

Tiktak












Tila isang iglap, wariý paghawi ng ulap
Ang bilis ng panahon, sadyang nakakagulat. 
Animo isang linggo pa lang nang ang bagong taon ay dumaan
Sinalubong ng buong sigla, kaakibat ay bagong pag-asa

Lumipas ang ilang araw
Patuloy lang sa pagkampay 
Tinatahak ang bawat umaga 
Magkahalo ang ligaya't pangamba

Kalahati na ng taon, lumipas ganun-ganun 
Ano nga bang kinahinatnan ng nagdaang limang buwan
Sa bawat oras na tila hinahabol bawat pag-tiktak
Ang pagsikat at paglubog ng araw na mabilis pa sa kidlat. 

Kung atin tatantusan, ang bawat araw na nagdaan
Anong kabutihan ang sa ating kapwaý pinaramdam
O baka panay poot, galit o mabigat na kalooban
Alin kaya ang mas matimbang, alin ang nakalalamang?

Sa bawat daang tinatahak, taong kinakaharap
May impluwensiya tayong naiiwan, tatak ng nakaraan
Ano sa palagay mo ang kanilang matatandaan
Sa pagbanggit ng iyong pangalan, ano ang naramdaman?

Marahil sa sobrang dami ng nais nating makamit
Sa sobrang layo ng nais nating marating
Minsaý nalilimutan na natin ang tumingin at manalamin
Ang kasalukuyang panahon, kailangang harapin.

Huwag makisabay sa pagikot ng relo
Ang buhay sa mundo ay di isang karera ng motorsiklo
Sa paglipat ng pahina ng ating kalendaryo
Anong ala-ala mo sa bawat araw na tumakbo? 

January 06, 2014

Bagong Taon ng Pagbangon

Natuyo na ang tubig, naubos na ang baha
Unti unting sumisibol ang liwanag sa mukha.


 Binibuo ang pag-asa kung mayroon mang natira
Pinagtitibay ang pamilya, haliging ginuho ni Yolanda. 


Pag-asa ang hatid sa bawat isa ng bagong taon
Higit sa tulad nilang nawalan ng kinabukasan noong isang taon


Hindi matitinag, tatag ng Pinoy
Sa kabila ng delubyo, sigaw nilaý pag-ahon. 

Tapos na ang unos, ang bangungot ng kahapon
Hinaharap ang bagong taon, kaakibat ng pagbangon.

Isang kahilingan, ang aking iiwan
Sa pagtatapos ng tulang iyong nadaan
Nawaý sa bawat oras na silaý iyong maalala
Sumambit sa Maykapal, dasal para sa kanila. 

---
Photos by: Dhes Handumon

October 07, 2013

DIRETSO LANG


Wag kang malikot
Wag nang umikot
Tingin sa harap para walang masagap.

Nagkalat ngayon mga akala mo perpekto
Mahilig maghugas ng kamay sa lababo
Mga malilinis, animoý mga santo
Pero gulatin mo at mura ang salitang ibabato.

Sa opisina mga astig ang porma
Akala mo alam lahat pati utak ng iba
Mapanuring mata, mapanghusgang tingin sa kasama
Animoý kay galing, kung mag-utos at manita

Anong klaseng boss nga ba, ang nakatambay sa opisina
Nakababad ang sigarilyo, nakataas pa ang paa
Paanong susundin ng mga tao kung ganito ang asal mo
Di bat kabastusan kung ibato mo ang papel na inabot sayo
O ang tawagin ang isang empleyado, para iabot ang tasa ng kape mo
Habang ang ibaý kanda kuba na sa pagta-trabaho.

Anong ehemplo ang makikita sa ganitong umasta
Paano na ang iba, gaganahan pa ba
Trabahong sang tambak, naka patong sa lamesa
Habang ang ibaý sa terrace nakatambay o sa cafeteria.

Sa loob ng simbahan di rin naman naiiba
Maraming magaling, mahilig bumida
Kanya kanyang rampa, di ko alam kung simba o fashion show ang punta
Nakakasilaw din kung minsan ang pinta sa mukha pag umaga.

Sa paglilingkod, puso ang nakikita
Hindi kung ilang beses kang sumigaw at umeksena
Kung sasabihin mong nagpuyat ka o wala pang tulog hanggang umaga
Walang dahilan upang ugali moý maging mapakla.

Paano nga ba kung nakaka-patid ka na
Kung ayaw ng masimba ng iba dahil ayaw niyang makita
Ang asal mong daig pa ang artista sa plaza
Nagpapanggap na santa, mabait sa iba
Pero sa labas ng simbahan, nagiging impaktita

Wala akong karapatan, husgahan ang sino man
Ang naisulat ko dito ay mga nahagip lamang
Matang malikot, tingin ay paikot-ikot
Ano nga bang totoo sa bawat nilang kilos.
Walang makakababatid, kundi ating Diyos.

October 10, 2011

Tao, Dahil Sa Ginawa Mo, Paano Kami (2011)

Magmula sa hiwaga ng Alpha at Omega
Ang mundo'y nabuo, ang tao'y nagkasala...
Dalawangpung taon ang nakalipas, kung tama ang aking memorya
Isang essay ang aking sinulat, tungkol sa mga trahedya't sakuna

Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?
Tanong ng aking kamusmusan, na mula't sa katotohanan
Mga paglalapastangan sa kalikasan, kailan nga ba titigilan?
May matitira pa nga ba para sa aming kabataan?














Noong taong 1991, aking natatandaan
Pagputok ng Bulkan Pinatubo ang siyang aking pinangambahan
Dumaloy ang lahar, nabura ang mga bayan
Nang mga oras na yon, parang wala ng kinabukasan...












Ngayon taong 2011, sa kasalukuyan...
Lubog pa rin sa tubig ang aking bayang sinilangan
Mula sa hagupit ng bagyong Pedring at Queil ang pangalan
Sampung araw na ang lumipas mula ng sila ay dumaan.

Palala ng palala ang sitwasyon sa mundong ating ginagalawan
Ang ating bansa'y manhid na sa mga ganitong karanasan
Kabi-kabila ang turo, kung sinong may sala
At kung sinong mananagot sa mga ganitong trahedya.

Ang bagyo o ang hangin, malamang ang tubig na dumaloy sa mga bukirin

Kanino nga bang kasalanan kung bakit tayo ay nasadlak sa ganitong pasanin
Umagos ang tubig, sa mga kalbong bundok nanggaling
Nalunod ang panamin, na dapat sana'y sa hapag ihahain.

Tama na ang sisihan, kung sinong may kasalanan...
Itigil na ang pagtuturo kung sinong may pagkukulang
Sa mundong ito, na tayong lahat ang nakikinabang
Wala tayong karapatang manisi ng kung sino pa man.

Ngayon hindi na ako bata, dalawampung tao sa aking gunita
Bumalik sa aking ala-ala ang tanong sa aking pagkabata...
Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?

Mula ng nabuo ang tanong na ito sa aking kaisipan
Salamat sa Diyos at kahit papaano ako ay natiran
Nakalanghap ng konting sariwang hangin sa kabukiran
Nakaakyat ako sa mga bundok at nakalangoy pa sa malalim na karagatan.

Ngayon ang panaghoy, hindi na para sa aking kapakanan...
Tao, Dahil sa Ginawa Mo, Paano Kami?
Ito ang sigaw ng mga biktima ng karahasan;
Silang mga inagawan ng karapatan sa kalikasan,
Mga batang walang muwang sa nagaganap sa kapaligiran.

Hindi na para sa atin; para na lang sa mga magiging anak at apo natin
Magtira naman tayo, kahit konting hangin
Nawa'y makatikim pa sila ng mga sariwang pagkain
Masilayan ang mga bukirin at ang ganda nitong angkin.

Magmula sa hiwaga ng Alpha at Omega,
Ang mundo'y nabuo, ang tao'y nagkasala...

November 25, 2010

Babang Luksa


'Sang taon na ang lumipas, marami na ang naganap
Ngunit ang katarungan, wala pa rin sa hinagap...
Mahirap bang patunayan o sadyang mailap ang katotohanan
Mga buhay na tinabunan, ililibing na lang ba sa nakaraan?

Hanggang ngayon nga ba ay mabagal pa rin ang usad...
Hustiya sa ating bansa, bakit nga ba sadyang kay kupad?

Pamilyang namatayan, humihingi ng katarungan
Pero san at kanino nga ba ito makakamtam?

Sa araw gabing hinagpis ng mga pamilyang naiwan
Wala na ata sa katwiran ang matagal na diskusyunan
Lahat ng ebidensya, nailatag na sa harapan
Ang mga larawang nakunan, wala rin bang kabuluhan?

Limampu't pitong tao, tinangkang burahin sa mundo
Saksi ang lahat, ang krimen ay planado
Bakit hanggang ngayon, wala pa ring nananalo?
Tapos na ang babang luksa, di pa rin madesisyunan ng husgado...

May 13, 2010

Maskara


Ano nga bang mukha sa likod ng maskara
Sa kabila ng ngiti, lungkot ay madarama
Tulad ng kaibigang, akala mo ay masaya
O di kaya'y ang asawa mong nais pala'y sa piling ng iba.

Sa mundong mapanlinlang, akala mo ay iyong alam
Katotohana'y nakukubli, maraming kababalaghan...
Sa kabila ng kinang at magandang kaanyuan
Natatago dito ang tunay na katauhan.

Bakit nga ba kailangan pang pagtakpan
Maraming bagay, di magawang pagsigawan...
Kalayaan ng bayan matapang na pinaglalaban
Pero bakit ang sarili, di mapanindigan?

Iba't ibang maskara, mga mukhang baligtaran...
Mga taong sa anino humahanap ng kanlungan.
Sa likod ng halakhak, luha ay pumapatak,
Pagkatao'y nakubli ng maskarang sa mukha nakalapat.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...