March 25, 2015

NAPAANO SA MAMASAPANO


Samu't saring istorya, kanya kanyang bida
Mga palusot sa sino nga ba ang tunay na may sala
Apatnapu't apat na buhay, sa bayan ay inalay
Ngayo'y walang responsable, kanya kanyang pagkubli sa tunay na nangyari. 

Ano nga bang kahahantungan ng masalimuo't na usapan
May katarungan pa bang aasahan ang magigiting na tagapag-tanggol ng bayan,
O tuluyan ng matatabunan tulad ng mga buhay na napaslang...

Iisa ang hangad, pangarap na kapayapaan
Ang bansang kaliwa't kanan ang gulong kinasasangkutan 
May pag asa pa bang kinakaharap ang bayang Pilipinas
Kung bawat isa'y sarili lamang ang nais na iligtas. 

Nakapanlulumo ang sinapit nilang apatnaput apat
Hindi lang sa nakuyog at pinatay na walang habas
Ang higit na masakit ay ang katotohanang masaklap
Kapwa Pilipino rin naman ang sa kanila'y nagpahirap.

Ito katotohanang hayag pero tila di mabanaag
Ang ating Inang bayang naligaw na ng landas
Paano pa tayo aahon kung tayo tayo mismo ang nagbabaon 
Ang pangarap na kalayaan atin pa bang makakamtan.

Ang mga nasa gobyerno, sukdulan sa kasakiman 
Mga hayok sa kapangyarihan, sandamakmak na kawatan
Paano nga bang makakamit ang katarungan 
Kung ang mismong may sala ang may hawak ng timbangan? 

Isang panawagan sa ating mga kababayan 
Nawa'y matuto na tayong manindigan... 
Dahil mabuti sana kung uuwi lang tayong luhaan... 
Pero tulad ng SAF 44, ang laban ay nauwi sa kawalan. 


June 02, 2014

Tiktak












Tila isang iglap, wariý paghawi ng ulap
Ang bilis ng panahon, sadyang nakakagulat. 
Animo isang linggo pa lang nang ang bagong taon ay dumaan
Sinalubong ng buong sigla, kaakibat ay bagong pag-asa

Lumipas ang ilang araw
Patuloy lang sa pagkampay 
Tinatahak ang bawat umaga 
Magkahalo ang ligaya't pangamba

Kalahati na ng taon, lumipas ganun-ganun 
Ano nga bang kinahinatnan ng nagdaang limang buwan
Sa bawat oras na tila hinahabol bawat pag-tiktak
Ang pagsikat at paglubog ng araw na mabilis pa sa kidlat. 

Kung atin tatantusan, ang bawat araw na nagdaan
Anong kabutihan ang sa ating kapwaý pinaramdam
O baka panay poot, galit o mabigat na kalooban
Alin kaya ang mas matimbang, alin ang nakalalamang?

Sa bawat daang tinatahak, taong kinakaharap
May impluwensiya tayong naiiwan, tatak ng nakaraan
Ano sa palagay mo ang kanilang matatandaan
Sa pagbanggit ng iyong pangalan, ano ang naramdaman?

Marahil sa sobrang dami ng nais nating makamit
Sa sobrang layo ng nais nating marating
Minsaý nalilimutan na natin ang tumingin at manalamin
Ang kasalukuyang panahon, kailangang harapin.

Huwag makisabay sa pagikot ng relo
Ang buhay sa mundo ay di isang karera ng motorsiklo
Sa paglipat ng pahina ng ating kalendaryo
Anong ala-ala mo sa bawat araw na tumakbo? 

January 06, 2014

Bagong Taon ng Pagbangon

Natuyo na ang tubig, naubos na ang baha
Unti unting sumisibol ang liwanag sa mukha.


 Binibuo ang pag-asa kung mayroon mang natira
Pinagtitibay ang pamilya, haliging ginuho ni Yolanda. 


Pag-asa ang hatid sa bawat isa ng bagong taon
Higit sa tulad nilang nawalan ng kinabukasan noong isang taon


Hindi matitinag, tatag ng Pinoy
Sa kabila ng delubyo, sigaw nilaý pag-ahon. 

Tapos na ang unos, ang bangungot ng kahapon
Hinaharap ang bagong taon, kaakibat ng pagbangon.

Isang kahilingan, ang aking iiwan
Sa pagtatapos ng tulang iyong nadaan
Nawaý sa bawat oras na silaý iyong maalala
Sumambit sa Maykapal, dasal para sa kanila. 

---
Photos by: Dhes Handumon

November 26, 2013

Nakakahiya. Nakakaawa.

Nakakahiya. 


Kahapon ay pinatawag kaming mga Pilipino sa kumpanya
Para sa isang proyektong gagawin, tulong sa biktima ni Yolanda.
Nagtanong ang mga pinuno, ilang detalyeng mahalaga. 
Ito ay kung saan at kanino nga ba, iaabot ang pera.

Bilang Pilipino, nakakahiya mang sabihin
Pero bawat isa sa amin, iisa ang saloobin.
Hindi dapat sa gobyerno, dahil baka di makarating
Sa dami ng balita tungkol sa pamahalaang sakim.

Masakit sabihin sa harap ng ibang lahi
Na sa aming pamahalaan ay maraming kawatan
Mga magnanakaw at mapagsamantala
Sa bayan ni Juan, talamak ang buwaya. 

Nais nilang tumulong, magkiramay sa nasalanta
Pero paano nga ba, kung di rin naman mapupunta
Sa mga naging biktima, dilat pa rin ang mata
Sa lumipas ng tatlong linggo, paano na nga ba sila?

Nakakaawa. 


Silang mga walang magawa kundi ang maghintay sa wala
Sa kabila ng milyon milyong tulong na sa kanilaý pinadala
Nagtitiyaga sa tabing ng kariton o mga tahanang walang bubong
Kalam ng sikmuraý tila nakasanayan na at di alintana ang gutom. 

Halos tatlong linggo na mula noong bumisita si Yolanda
At iniwan silang walang wala, nakahandusay sa kalsada
Dumagsa ang tulong, pera, pagkain at iba't ibang donasyon
Pero kailan ba sila, magsisimulang makaaahon? 

Araw araw pumipila sa kakarampot na delata, 
Isang tabong bigas at noodles na durog na
Nasaan ang donasyon, napunta na sa bahay ng iba. 

ANG TAMA, HINDI KINAKAHIYA. 
ANG MALI, HINDI GINAGAWA.
Sabi ni Lea Bustamante, sa Bata, Bata Paano Ka Ginawa? 


Ito ang aking naramdaman kagabi sa gitna ng usapan.
Kinahihiya ko ang ating pamahalaan, dahil sa maling kaugalian.
Gayun pa man, ang bayanihan amin pa ring pinagparangalan
Sa kabila ng katiwalian, ang taong bayan pa rin ay nagtutulungan.

Sa milyon milyong donasyon ng kapwa Pilipino,
Sa iba't ibang paraang ginawa upang makalikom ng husto
Pera, damit, pagkain, halos pinang limos nga rin dito
Basta't makatulong kahit papaano.

Gayung sadlak sa hirap at sa gobyernong palpak.
Taas noo pa rin nating hinarap ang mga pagsubok sa ating balikat.
Babangon tayo, magtutulungan saan man sa mundo.
Yan ang Pilipino, di matitinag ng delubyo.

November 12, 2013

Paano nga ba sila magsisimula ngayong silaý walang wala?

AFP Photo
Binayo ng bagyo.
Pinaluhod ng delubyo.
Binura ni Yolanda.

Ilang katagang paulit ulit na nating naririnig sa mga ulat.
Marahil, dahil sa wala na ngang iba pang salitang mahagilap 
Upang ipaliwanag ang sinapit na ating mga kababayang lubhang nasadlak
Sa nagdaang sakuna, na kinuha ang lahat...

Ano nga ba ang ating magagawa?
Tayo na ilang libong milya ang pagitan mula sa ating Inang Bayan
Mga OFW na tanging mga larawan at video lamang ang nasasaksihan...

Umuulan ng Panalangin sa "FB, IG at Twitter" para sa ating mga kababayan
Abot abot ang panawagan kung paano maipapahatid ang mga donasyon na nakalap
Panawagan sa nawawalang kamag-anak at panaghoy ng mga namatayan...

Tulad nyo, dumurugo rin ang puso ko
Sa gitna ng trabaho, ang isip ay nasa mga kababayang naghihingalo
Paano nga ba sila magsisimula...Ngayong silaý walang wala? 

Isang bayang matatatag ang pananampalataya
Yan ang Pilipinas, kahit ilang beses madapa
Hindi kumakawala sa pananalig sa ating Panginoong Lumikha.

Ngayon sa gitna ng unos, para tayong batang musmos
Magsimula sa pag gapang, unti unti hanggang sa makaya natin ulit ang paghakbang
Isang araw, isang tapak, hanggang sa muli tayong maging matatas.

Ang Diyos ay buhay, Siya at tapat. 
Walang bibitaw, dadating din ang bukas
Kung kailan nag mga naburang pangarap ay unti unti ring matutupad. 

"Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina." Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong nadama ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas. 
2 Corinto 12:9-10

October 07, 2013

DIRETSO LANG


Wag kang malikot
Wag nang umikot
Tingin sa harap para walang masagap.

Nagkalat ngayon mga akala mo perpekto
Mahilig maghugas ng kamay sa lababo
Mga malilinis, animoý mga santo
Pero gulatin mo at mura ang salitang ibabato.

Sa opisina mga astig ang porma
Akala mo alam lahat pati utak ng iba
Mapanuring mata, mapanghusgang tingin sa kasama
Animoý kay galing, kung mag-utos at manita

Anong klaseng boss nga ba, ang nakatambay sa opisina
Nakababad ang sigarilyo, nakataas pa ang paa
Paanong susundin ng mga tao kung ganito ang asal mo
Di bat kabastusan kung ibato mo ang papel na inabot sayo
O ang tawagin ang isang empleyado, para iabot ang tasa ng kape mo
Habang ang ibaý kanda kuba na sa pagta-trabaho.

Anong ehemplo ang makikita sa ganitong umasta
Paano na ang iba, gaganahan pa ba
Trabahong sang tambak, naka patong sa lamesa
Habang ang ibaý sa terrace nakatambay o sa cafeteria.

Sa loob ng simbahan di rin naman naiiba
Maraming magaling, mahilig bumida
Kanya kanyang rampa, di ko alam kung simba o fashion show ang punta
Nakakasilaw din kung minsan ang pinta sa mukha pag umaga.

Sa paglilingkod, puso ang nakikita
Hindi kung ilang beses kang sumigaw at umeksena
Kung sasabihin mong nagpuyat ka o wala pang tulog hanggang umaga
Walang dahilan upang ugali moý maging mapakla.

Paano nga ba kung nakaka-patid ka na
Kung ayaw ng masimba ng iba dahil ayaw niyang makita
Ang asal mong daig pa ang artista sa plaza
Nagpapanggap na santa, mabait sa iba
Pero sa labas ng simbahan, nagiging impaktita

Wala akong karapatan, husgahan ang sino man
Ang naisulat ko dito ay mga nahagip lamang
Matang malikot, tingin ay paikot-ikot
Ano nga bang totoo sa bawat nilang kilos.
Walang makakababatid, kundi ating Diyos.

May 13, 2013

ELEKSYON 2013

(ABS-CBN | google pic only)
Sa mga oras na ito, tiyak na kabado 
Mga politiko, nag-aabang ng panalo
Pagka't bilangan na ng mga boto
Eleksyon 2013, tapos na nga bang totoo? 

Bilang OFW ay nakiki-balita na lang
Kung anong naganap sa nakalipas na halalan
Sa internet nakatutok sa nagaganap na bilangan
Tanging nasasambit, sana'y walang dayaan...

Subalit imposible ata sa panahong hinaharap
Walang mandaraya, tila isang pangarap
Sa Facebook at Twitter, taong bayan ay nag-uulat
Nasaksihan sa presinto, naka-sulat sa stat

May nabasa ako, kuro-kuro ng isang kaibigan
Di raw siya bumoboto, dahil wala ring katuturan
Wala daw pagbabago, ang ating bayang talunan
Anong silbi ng pagboto, kung talamak ang dayaan? 

Tatlong taong ang nakalipas, Paghatol ay ating nasaksihan
Kinasa ang automated eleksyon, nasubukan ng taong bayan
Higit na maagang resulta, nagbigay ng kagalakan
Pero ilang buwan pagtapos ng halalan, napatunayan pa rin ang dayaan. 

May daan pa bang matuwid para gobyernong makapal 
Paano nga ba uunlad, kung pamumunuan ng garapal
Angkan ng Pulpulitikong sakim sa yaman at kapangyarihan
At mga taong nasisilaw sa pera, kapalit ng kanilang dangal.

Tayo ang simula ng pagbabagong hinahangad
Paulit ulit na sinasabi sa TV Patrol nakababad
Pero ganun pa rin, bakit tumatanggap ng bayad? 
Mga kakabayan magkano ba ang ating pangarap? 

Naisip sana natin na ang bawat perang tinanggap
Kapalit nito ay kinabukasan ng ating mga anak
Ano pang matitira sa kabang yaman malilimas
Dahil tiyak na babawin ang perang sa iyo'y pinambayad. 

Gayun pa man ako'y di natitinag
Sa Tulaya ay patuloy na aking nilalabas
Saloobin, panalangin sa bayan kong Pilipinas 
Dasal ko sa Panginoong Diyos, para sa magandang bukas

Hindi man ngayon, alam kong darating
Uunlad at gi-ginhawa rin ang Bayang magiliw
Pag-asa sa aking puso, hindi nagmamaliw
Alam kong naririnig ng Diyos ang ating panalangin.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...