November 25, 2010

Babang Luksa


'Sang taon na ang lumipas, marami na ang naganap
Ngunit ang katarungan, wala pa rin sa hinagap...
Mahirap bang patunayan o sadyang mailap ang katotohanan
Mga buhay na tinabunan, ililibing na lang ba sa nakaraan?

Hanggang ngayon nga ba ay mabagal pa rin ang usad...
Hustiya sa ating bansa, bakit nga ba sadyang kay kupad?

Pamilyang namatayan, humihingi ng katarungan
Pero san at kanino nga ba ito makakamtam?

Sa araw gabing hinagpis ng mga pamilyang naiwan
Wala na ata sa katwiran ang matagal na diskusyunan
Lahat ng ebidensya, nailatag na sa harapan
Ang mga larawang nakunan, wala rin bang kabuluhan?

Limampu't pitong tao, tinangkang burahin sa mundo
Saksi ang lahat, ang krimen ay planado
Bakit hanggang ngayon, wala pa ring nananalo?
Tapos na ang babang luksa, di pa rin madesisyunan ng husgado...

August 16, 2010

Tabon


Nasan ang pangakong walang iwanan?
Sa mga labi namutawi, salitang magpakailanman...
Ngayon sa dilim ng gabi, naliligaw sa daanan
Natabunan ng sakit ang pag asang hinawakan...

Ang iyong mga kamay, ang nagsilbi kong gabay
Mga salitang binitawan, nagbigay sa akin ng buhay
Pangarap na noo'y di makita ng malinaw
Sa piling mo ang lahat ay nagkaroon ng kulay at saysay...

Masayang mga araw, walang puwang ang problema
Pag-asa at ligaya ang nangibabaw sa'ting pagsasama...
Halakhak ang musika sa paligid nating dalawa
Ang ngiti sa iyong mata ang kaligayahan ko sa tuwina.

Ang mga bisig mo ang nagsilbing haligi sa aking buhay
Naniwala akong matibay ang nakakapitan ng aking mga kamay...
Mga haplos mo na sa twina sa akin ay umaalalay
Mga labing nangungusap, mga matang nakatunghay.

Ngayon hanggang saan ang sinabi mong habang buhay
Pag-ibig na iyong alay, bakit sa hangin nagpatangay...
Pangako mong walang hanggan, ngayon ay nasaan...
Bakit ako ligaw, mag-isa sa kawalan...

July 05, 2010

Silaw

Sa pagliwanag ng buwan sa madilim na kalangitan
Animo'y nabubulag ang mata sa kawalan
Nasanay sa dilim, walang gumagabay
Ngayon nasisilaw sa liwanag na tanglaw...

Saan nga ba mag uumpisa; alin ang mauuna?
Paligid ay nasilayan mula sa madiliim na nakaraan
Unti unting nakikita, umaangat ang katotoohan
Sa sinag ng buwan, ngayon nalilinawan

Patong patong pala, sangtambak na problema
Maliit at malaki, ngayon ay kitang kita
Unti unting imulat, sanayin ang mata
Dahil tuloy tuloy na hanggang sa bagong umaga...

June 30, 2010

INAUGURAL ADDRESS: PRESIDENT BENIGNO AQUINO III


Ang pagtayo ko dito ngayon ay patunay na kayo ang aking tunay na lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako'y manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng ating bayan.

Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.

Nilabanan ng aking ama ang diktadurya at ibinuwis niya ang kanyang buhay para tubusin ang ating demokrasya. Inalay ng aking ina ang kanyang buhay upang pangalagaan ang demokrasyang ito. Ilalaan ko ang aking buhay para siguraduhin na ang ating demokrasya ay kapaki-pakinabang sa bawat isa. Namuhunan na po kami ng dugo at handa kong gawin ito kung muling kinakailangan.

Tanyag man ang aking mga magulang at ang kanilang mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan. Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating tagapagtanggol.

June 10, 2010

Umpisa na... sana




Nai-proklama na nga...
Bagong Pangulo, bagong gobyerno...
Anak ng isang bayani at ng tinagurian Ina ng demokrasya...
Nasa kamay nya ngayon ang bagong pag-asa.

Puede na nga ba nating angkinin ang tagumpay ng Pilipino?
Maari na nga ba nating sabihin na narito na ang pagbabago?

Isang pagpupugay para sa kauna unahang automated election sa kasaysayan
Para sa isa sa pinaka mababang bilang ng krimen sa halalang nagdaan...
Para sa pagtanggap sa pagkatalo ng mga di pinalad...
At para sa pagkakaisa ng mga Pilipino na magkaroon ng silbi ang kanilang boto.

Marahil, umpisa na nga...
Pagod na tayo sa protesta, sa mga reklamo at sa mababahong TRAPO.
Sawa na rin ang tao sa paulit ulit na sistemang bulok ng ating gobyerno...

Kaya nga sana... harinawa'y huwag mabigo ang sambayanan...
Hindi lamang boto kundi buong pusong tiwala ang pinagkaloob sa ating pangulo...
At lahat ay umaasa...
Dahil tabla't pamato na ng bawat Pilipino ang binigay para sa pagbabago...
At bawat isa'y handang tumulong upang makamit ito.

Mabuhay ka Pangulong Noynoy!
Nawa'y pahalagahan mo ang tiwala ng bawat mamamayan Pilipino
Lahat kami ay umaasa at nananalangin na sana nga, umpisa na.

May 25, 2010

Ano na?

Bakit nga ba tila di na talaga uubra...
Na matapos ang bilangan ng walang kontrobersya?
Samu't saring storya ng dayaan at pagmamanipula
Kawawang Pilipinas wala na nga atang pag-asa...

Kabi-kabila ngayon ang mga imbetigasyon,
Mali-mali daw na bilang, hinahapan ng solusyon...
Dagdag-bawas sa eleksyon, uso pa rin hanggang ngayon,
Yan ang sabi ni Koala Boy na may sariling computation!

Hanggang saan na naman aabot ang pagdinig sa dayaan?
Hindi na ba matitigil ang pagsigaw ng katarungan?
Wala na bang eleksyon na magiging patas ang labanan?
Hindi na nga ba tayo magiging tapat sa ating inang bayan?

Dapat nga bang kabahan na naman ang mamamayan?
Sa kabila ng inakalang tagumpay, ngayon heto na naman...
Di na naubos ang gusot ng bilangan...
Kelan nga ba malilinis ang halalan sa ating bayan?

Maikling panahon na lang kung tutuusin
Pero ang bawat minuto ay nagiging malagim...
Patuloy tayong mag-matyag at maging matiisin,
Hanggang sa mapansin ang ating hinaing.

May 13, 2010

Maskara


Ano nga bang mukha sa likod ng maskara
Sa kabila ng ngiti, lungkot ay madarama
Tulad ng kaibigang, akala mo ay masaya
O di kaya'y ang asawa mong nais pala'y sa piling ng iba.

Sa mundong mapanlinlang, akala mo ay iyong alam
Katotohana'y nakukubli, maraming kababalaghan...
Sa kabila ng kinang at magandang kaanyuan
Natatago dito ang tunay na katauhan.

Bakit nga ba kailangan pang pagtakpan
Maraming bagay, di magawang pagsigawan...
Kalayaan ng bayan matapang na pinaglalaban
Pero bakit ang sarili, di mapanindigan?

Iba't ibang maskara, mga mukhang baligtaran...
Mga taong sa anino humahanap ng kanlungan.
Sa likod ng halakhak, luha ay pumapatak,
Pagkatao'y nakubli ng maskarang sa mukha nakalapat.

May 12, 2010

Ang Paghatol

Tila nga ba ang buong bayan ay nakahinga na
Automated election, tagumpay na naikasa
Pagsapit ng umaga, matapos ang paghura,
Naproklama na ang ilang panalo sa karera!

Salamat sa Diyos at ang ating bayan ay kinupkop
Puso ng mga kandidato'y kanyang hinaplos...
Pagtanggap sa pagkatalo, mukhang nauuso,
Di gaya ng dati na lahat daw sila ay panalo...

Patapos na ang bilangan, konti na lang kailangan
Bagama't mainit ang laban sa magiging Bise ng bayan
At ngayon nga'y kabilaan ang bato ng bintang
May niluluto daw ng dayaan... eto na naman!!!

Bagamat malaki na ang pinagbago,
Wala na nga sanang Hello Garci hanggang senado...
Sana ang magkabilang panig, maghintay na lang sa anunsyo,
Dahil mukha namang malinis ang nagiging proseso.

Wag na nating hayaan na magkaroon pa ng gulo,
Lahat naman tayo, nagbabantay sa mga boto
Kaya konting oras na lang, wag nang gumawa ng iskandalo,
Dahil ang bayan, pagod na pagod na sa inyo!

Oras na lang ang ating binibilang
Proklamasyon ng Comelec, ating na lang abangan
Wag na mag isip na baka may kababalaghan
Nawa'y matapos ang election na walang protesta sa daan.

May 10, 2010

Oras Na

Nakapag-bilog ka na ba, sa iyong balota?
Nalagyan na ng ink, daliri mo ba'y may marka?
Ang karapatang bumoto, nagamit mo ba?
Hinahangad na pagbabago, ngayon bayan ang magpapasya...

Maswerte nga kayo, mga kababayang Pilipino,
Bagamat sobrang init, pero malaya kayong pumunta sa presinto...
Isang boto, tulay sa pag asenso...
Magkaisa na tayo patungo sa progreso...

Kaming nasa ibang bayan, bagamat may OAV,
Hindi rin lahat, may oras na makasali,
Karapatang Pilipino, ngayon naisantabi
Paalala na lang ang tanging masasabi.

Naging saksi ako, sa ilang eleksyong nagdaan
Dilat ang mata ko sa lahat ng katiwalian,
Sako-sakong pera, nagkalat sa lansangan,
Pagkatao't dignidad, nabibili ng dalawang daan.

Hindi iilan ang taong nababayaran,
Talamak na bentahan, nagaganap ng harapan
Sa konting halaga, milyon ang nakukuha
Kapalit ng boto mo, kinabukasa'y nabasura.

Nawa'y gising na nga tayong mga Pilipino,
Hangaring maibalik na ang dangal bilang tao...
Huwag ng muling mabulag sa kislap ng konting piso,
Kinabukasan ng bansa, wag ng isakripisyo.

Munting dalangin, alay sa bayan ko,
Nawa'y gabayan Niya ang bawat Plipino,
Malinis na halalan, nawa'y maisakatuparan,
At lumabas ang tunay na boses ng bayan...

May 05, 2010

Mamaw-Willie

Samu't saring balita, ngayon ay nakakabahala...
Ano nga bang magaganap, sa May 10 ba ay papalpak?
Iba't ibang aberya, ngayon lumalabas na
Paano na ang bilangan kung PCOS ay sira na?

Ano nga bang naghihintay sa darating halalan?
Lahat ay nag aabang sa teleserye ng bayan.
Nawa'y wag magtagumpay ang planong dayaan
At ang kabutihan ay manaig sa botohan.

May nasagap nga pala ako, nakabalandra sa jaryo
Eksena ni Willie, nakakairitang totoo!
Ano to, agaw eksena, para mailigaw ang tao
At di maciadong tumutok sa balita sa kanyang kandidato!

Anong klase nga bang ugali meron itong si Willie?
Nakakahiya, walang modo, yan ang tawag sa ganyang tao.
Sana bigyan nya ng kahihiyan, mga Pilipino sa buong mundo,
Wag nyang ipanglandakan ang bastos nyang pagkatao!

Maganda ang Wowowee, talagang panalo...
Entertaining ito, lalo sa pagbigay ng premyo!
Pero, Hello! hindi nya pera ang pinamumudmod dito!!!
At di siya ang dahilan kung bakit pinanonood ang show na ito!
Kaya puede ba, wag ciang umeksenang hamunin ang ABS, at baka ang tao ang mag pasya...

Sa kabilang banda, nakabuti na rin,
Pinakita nyang ugali, ngayon ang tao ay napaisip...
Di pa man nananalo ang pambato nyang pangulo
Aba'y kung umasta, daig pa ang naka pwesto!

Iba't iba nga ang kaganapan ngayon,
Marami pang magiging palabas hangga't di tapos ang eleksyon...
Kaya't patuloy tayong mag-matyag, maging mapanuri sa lahat
Bantayan ang halalan at mga taong mapanlinlang!

May 03, 2010

Ilang tulog na lang

Eleksyon na naman...

Ang pinaka importanteng kaganapan na mangyayari sa ating bansa.
Hindi lang dahil natural na importante ang halalan kundi dahil ito na ang make or break ng ating bayan.
Sa isang boto mo na naghahangad ng pagbabago;
Ito ang magsasabi kung san nga ba tayo patutungo.
Sa isang matalinong pagpapasya, tiyak na matutuldukan na
Ang paghihirap ng Pinas sa mga kamay ng buwaya...
Ito ang panalangin, buong bayan ang umaasa;
Maging mapayapa nga sana, ang halalan sa May 10 na!

April 26, 2010

Sumbong sa Ina... kawawa daw siya?!?

Nakakaloko na nga ang mga tatakbo ngayong Mayo
Kanina lang nabasa ko, doon sa peryodiko
Nanay ng kandidato, nag emote sa mga tao;
Pinagtatanggol daw ang anak, maawa naman kayo...

Eto ang --> link, kung di mo pa nabasa,
Nanay ni Villar, umiyak sa masa!
Hindi daw sinungaling ang mabait na anak nya...
Galing daw talaga sila sa hirap, maniwala ka,
Dating walang pera, umasenso lang talaga!!!

Buhay nga naman kasi, ay parang gulong
Mga dating mahirap, mayaman na ngayon...
Sa dami ng pera, lupain at kumpanya,
Anak ng tindera, napakasipag ata talaga!

Isang huwaran sana kung patas lang lumaban
Sa hamon ng buhay ano bang katotohanan?
Di na bago sa atin ang mahirap na yumaman
Pero ang tanong ng bayan, kailangan ng kasagutan...

Paano nga bang lumawak ang lupa?
Sa sipag at tyaga o sa kapangyarihang tinamasa?
Madali lang maniwala na marami ang kinita,
Ang tanong, legal ba at naging patas ang negosyo niya?

Nasadlak na tayo sa sandamakmak na utang
Lugmok na ang bayan sa lahat ng kasamaan
Gobyernong kasalukuyan, walang ginawa kungdi ang mangamkam
Ang susunod bang uupo? josko naman... walang sawang katiwalian!

Gamitan ng pamilya, un ang sabi ng ate nya na pangalan din ay Gloria...
Ung kalaban nga daw nila, patay na ang ina, pero lagi pa ring binabalandra...
Ngayon daw nagsalita ang ina nila, bakit daw iba ang kahulugan
Pinagtatanggol lang daw ang anak nya, na ngayon ay napagtutulungan ng media!

Hindi ko alam kung anong klaseng kampanya
Anong istratehiya campaign manager nila...
May mali nga ba sa atake o sadyang ganun talaga,
Lahat kasi ng sabihin, parang balik suka...

Pero malamang, wala ng maisip pa
Para malinis ang pangalan at mabola ang taong bayan...
Sa lahat ng paninira lalo lang nagpapalala
Ang tandem nila, naku talagang kawawa!!!

Sa dami ng pera, ibinuhos sa kampanya
Ano nga bang kapalit, magsisilbi daw sa bayang sinisinta?
Ang taong bayan, di na matitinag pa
Ang kampong Villaroyo, tama na, sobra na, magtigil na!!!

April 24, 2010

Utang na Loob

Katatapos ko lamang manood ng balita...
at tulad din ng kahapon, wala pa rin akong nakitang kaaya-aya.
Patayan, aksidente sa daan, protesta at siraan;
Ano nga bang bago, sa bayan nating napag iwanan?

Dalawang Ampatuan, ngayon pinawalan
Hindi daw kasali sa naganap na patayan!
Maski yata batang paslit na naroon sa palaruan,
Hindi matatanggap ang naging hatol ng bagong kalihim na pinili ng Malacanang.

Tuluyan na nga bang napiringan ang hustisya?
Kilala pa ba ang katarungan sa ating bansang sinisinta?
Hanggang kelan ba tayo payag na magpadala;
Sa pangulong daig pa ang buwaya sa pagkagahaman sa kapangyarihan at pera.

Sa daming buhay na nawalang parang bula...
Sa bawat pangarap na tinabunan ng walang awa;
Nakakatulog pa kaya ang mga taong may gawa
Karumal - dumal na krimen, ngayo'y nababalewala.

Utang na loob, isang ugaling Pilipino;
Ngayon ay gamit na gamit sa ating gobyerno.
Kaya nga ba lahat ng suporta, binibigay sa pangulo,
Tiyak kasing may balik naman ito, paniguradong walang talo!

Sana nga lang, magising na ang mga tao;
Bago pa tuluyang burahin ang katarungan at mabayaran ang prinsipyo;
Nawa'y maging mapagmatyag pa ang mga Pilipino,
At huwag na padala sa huwad na gobyerno.

April 20, 2010

Makabagong Lapis at Kwaderno

Sa makabagong mundo, sa gitna ng gulo...
Napagka-kabit-kabit tayo ng teknolohiyang tulad nito.
Malayo't malapit, walang pinipinili...
Sa pagbukas nitong makina, lahat puede ng makita.

Dito sa aking pahina, halo halo din ang mababasa...
Mga pangarap at pangamba, mababanaag sa bawat letra.
Opinyon at kuro-kuro, malayang ipahahayag...
Mga saloobin at paniniwala, ibabahagi ng walang kaba.

Bakit nga ba kailangan pa? Ano bang halaga nitong mga pahina?
Ang mga titik na ito, bakit ba iyong binabasa?
Anong importansya ng opinyon ko sa masa?
Saan nga ba aabot ang moderno kong sandata?

Kung nais makilala kung sino nga ba ako?
Ako'y isang Filipino, tawag sa akin ay OFW...
Nakikibaka sa banyagang lugar, para sa mas maayos na buhay.
Nagnanais na makatulong sa pamilya, na kahit paano, sila ay maisalba.

Anong eksena ko, bakit meron nito?
Isa lang naman ang pakay dito sa makabagong lapis at kwaderno...
Na maipamahagi ang Larawan at Panulat, mula sa puso ko...
At naway may mapulot ka, kahit isang piraso...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...